Nanatiling hindi pa napagpapasyahan sa kasalukuyan ang panukalang pagtaas ng pamasahe sa Santiago kasabay ng nararanasang krisis dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kag. Rogelio Miner, presidente ng Santiago Federation of Tricycle Operators and Drivers Association (SAFETODA), kanyang iginiit na umiiral pa rin ang mahigpit na direktiba ng alkalde na ipagpaliban muna ang anumang hakbang hinggil sa dagdag-pasahe, sa kabila ng umiiral na hamon sa sektor ng transportasyon.
Ipinaliwanag ni Kagawad Miner na patuloy ang implementasyon ng mga programang ayuda ng lokal na pamahalaan, at may inaasahan pang karagdagang tulong, kabilang ang planong pamamahagi ng kalahating sako ng bigas sa bawat Santiagueño, bilang bahagi ng pagsusumikap na maibsan ang pasanin ng mga mamamayan.
Dagdag pa niya, noong mga nagdaang buwan kasabay ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, nagsumite ng panukala ang SAFETODA na itaas ang pamasahe sa ₱25 para sa regular na pasahero at ₱20 para sa mga estudyante, senior citizen, at persons with disabilities (PWD).
Gayunman, nilinaw ni Miner na nananatiling wala pang pinal na resolusyon ang SAFETODA, katuwang ang lokal na pamahalaan, hinggil sa nasabing panukala.
Nagpahayag si Miner ng panawagan sa mga tricycle driver na pairalin ang disiplina at pang-unawa sa kasalukuyang sitwasyon, at patuloy na sumunod sa umiiral na itinakdang pamasahe habang hinihintay ang pinal na desisyon ng mga kinauukulan.
Home Local News
Panukalang pagtaas ng pamasahe sa Santiago City, hindi pa rin pinagtitibay sa gitna ng krisis —SAFETODA
--Ads--










