Ipinamahagi ang tig-P7,500 na tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Workers sa Santiago City.
Isinagawa ang payout sa pamamagitan ng PESO Santiago katuwang ang Department of Labor and Employment Region 2.
Kabilang sa mga tumanggap ang isang benepisyaryo mula sa Barangay Balintocatoc na nagpahayag ng pasasalamat sa natanggap na ayuda, na aniya’y malaking ginhawa para sa kanilang pamilya sa gitna ng kakulangan sa kita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Abad Palada, sinabi niya na bagamat hindi sapat ang halagang natanggap upang matugunan ang lahat ng pangangailangan, malaking tulong pa rin ito lalo na sa kanyang kabuhayan bilang magsasaka.
Ibinahagi niya na nalugi sila sa nakaraang taniman bunsod ng mataas na presyo ng binhi at iba pang gastusin sa pagsasaka.
Dagdag pa niya, gagamitin niya ang natanggap na ayuda bilang puhunan sa muling paghahanda ng kanilang sakahan, kabilang ang pagbili ng binhi at iba pang pangunahing pangangailangan.
Maliban dito, makatutulong din aniya ang halaga para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin gaya ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya.











