Nagbigay ng paglilinaw ang Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City kaugnay sa isang barangay kagawad na kusang sumuko sa mga awtoridad matapos maiugnay sa ilegal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nito na kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon ang naturang kagawad matapos umamin na siya ay gumagamit ng ilegal na droga.
Matatandaan na boluntaryong sumuko ang suspek na kinilalang si alyas “Noman,” 41-anyos at residente ng Barangay District 3, sa isinagawang anti-criminality operation ng pulisya bandang alas-11:15 ng gabi noong Abril 22. Ayon sa ulat, pinapirma ito ng affidavit of undertaking bilang pangakong ititigil ang paggamit ng droga at makikipagtulungan sa mga awtoridad.
Ipinaliwanag ni SP Delmendo na sa kasalukuyan, hindi pa maaaring tuluyang tanggalin sa puwesto ang nasabing opisyal at maaari lamang itong masuspinde habang dinidinig ang kaso sa korte. Aniya, naihain na ang kaukulang kaso at nakabinbin na ito para sa resolusyon.
Dagdag pa ng konsehal, lumipas na ang itinakdang 15 araw na palugit upang makapagsumite ng paliwanag ang kagawad ngunit hindi pa ito tumutugon, kaya inaasahang haharap ito sa konseho upang talakayin ang usapin.
Sa ngayon, nananatili umano sa ilalim ng mahigpit na monitoring at surveillance ang naturang opisyal habang isinasagawa ang rehabilitasyon.
Binigyang-diin ni SP Delmendo na mabigat ang ganitong paglabag at hindi dapat tularan ng mga halal na opisyal. Umaasa rin aniya ang konseho na wala nang ibang opisyal ang masangkot sa paggamit ng ilegal na droga.
Sa kabila nito, wala pa umanong natatanggap na reklamo laban sa Punong Barangay ng nasabing barangay na umanoy may kaugnayan din dito.
Paalala ng opisyal sa kapwa lingkod-bayan na pahalagahan ang tiwala ng mamamayan at iwasan ang anumang iligal na gawain na maaaring makasira sa kanilang tungkulin.











