--Ads--

Umabot na sa ₱6.6 milyon ang halaga ng pinsalang naidulot sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Batay sa datos ng Provincial Agricultural Office, labis na naapektuhan ang mga taniman ng palay at iba pang high-value crops sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Daraga.

Aabot sa 87 magsasakang nagtatanim ng palay ang direktang naapektuhan ng kalamidad.

Malaki rin ang pinsalang idinulot ng makapal na ashfall mula sa bulkan, na tumabon sa mga pananim tulad ng talong, sili, okra, at mais.

--Ads--

Marami sa mga ito ay malapit nang anihin ngunit nasira na dahil sa ashfall.

Ayon sa mga opisyal, nalanta ang mga halaman at hindi na maaaring pakinabangan, na nagdulot ng pangamba sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang may banta pa rin ng pagbuga ng lava, abo, at iba pang mapanganib na aktibidad.