Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko ang bagong patakaran na nagbibigay ng civil service eligibility sa mga kwalipikadong opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na nakapagsilbi nang buong isang taon, buong tatlong taong termino, o katumbas nito.
Sa ilalim ng naturang polisiya, maaaring pagkalooban ng civil service eligibility ang mga elected at appointed SK officials na nasa mabuting katayuan bilang pagkilala umano sa kanilang serbisyo sa pamahalaan at pamumuno sa kabataan.
Kaugnay nito, sinabi ni Ginoong Jameson Josue na maituturing na magandang hakbang ang naturang programa, subalit kailangan pa umano itong masusing pag-aralan upang matiyak na magiging patas ito para sa lahat.
Pinaboran naman ni Ginoong Mark Loey Acosta ang mas mahigpit na pagsusuri sa implementasyon ng polisiya. Ayon sa kanya, may ilang SK officials umano na hindi pa marunong gumawa o mag-construct ng simpleng liham kaya’t hindi magiging patas ang awtomatikong pagbibigay ng eligibility sa mga indibidwal na matagal na naghanda, nagpuyat, at nagsikap upang makapasa sa civil service examination.
Sa kabilang banda, naniniwala naman si Ginoong Angelo Taguba na malaking tulong ang naturang polisiya para sa mga SK officials. Ayon sa kanya, maaari umano nitong mahikayat ang mas maayos na pamumuno at higit pang mapabuti ang kakayahan ng mga kabataang lider sa paglilingkod sa kanilang komunidad.










