Naniniwala si Russian President Vladimir Putin na malapit nang matapos ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“I think that the matter is coming to an end,” pahayag ni Putin sa mga mamamahayag hinggil sa patuloy na labanan, na itinuturing na pinakamadugong digmaan sa Europa mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Inihayag din ng lider ng Russia na bukas siyang makipag-usap para sa bagong kasunduan sa seguridad sa Europa. Ayon sa kanya, nais niyang maging pangunahing kausap ang dating Chancellor ng Germany na si Gerhard Schroeder.
Nagsimula ang malawakang pananakop ng Russia sa Ukraine noong 2022, na nagdulot ng matinding tensyon sa pagitan ng Russia at Kanluraning mga bansa. Itinuturing ito bilang pinakamalalang krisis mula pa noong Cuban Missile Crisis noong 1962.
Nauna nang sinabi ng Kremlin na pansamantalang natigil ang peace talks na pinangungunahan ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos. Paulit-ulit namang iginiit ni Putin na magpapatuloy ang operasyon ng Russia hanggang makamit nito ang lahat ng layunin sa tinatawag nitong “special military operation.”
Sa kanyang pahayag sa Kremlin, muling sinisi ni Putin ang mga “globalist” na lider ng Kanluran sa pagsiklab ng digmaan. Aniya, nangako umano ang NATO matapos bumagsak ang Berlin Wall noong 1989 na hindi ito magpapalawak pa patungong silangan, ngunit kalaunan ay sinubukan pa ring hilahin ang Ukraine papasok sa impluwensiya ng European Union.











