--Ads--

Mangiyak-ngiyak na inamin ng suspek sa ikinasang drug buy-bust operation sa Echague, Isabela na binili lamang umano nito sa kanyang kaibigan ang ilegal na droga na nakuha sa kanya ng mga awtoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alias Kiram, sinabi nito na hindi umano siya likas na masamang tao ngunit aminado siyang nagkamali matapos masangkot sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga.

Hindi naman nito pinangalanan kung sino ang sinasabing pinagkunan niya ng ilegal na droga.

Habang umiiyak, sinabi pa ng suspek na nais lamang niyang mabigyan ng pagkakataong makapagbago at makalaya mula sa pagkakakulong.

--Ads--

Samantala, sinabi naman ni PMaj. Domer Taguba Pelo na umabot sa mahigit isang buwan ang isinagawang surveillance operation laban sa suspek bago ikinasa ang buy-bust operation.

Ayon kay PMaj. Pelo, siniguro muna ng mga awtoridad sa pamamagitan ng information gathering na sangkot nga sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga ang suspek bago ito arestuhin.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pansamantalang naninirahan umano ang suspek sa isang boarding house sa Barangay Cabugao sa nasabing bayan.

Agad namang inaresto ng mga awtoridad ang suspek matapos makumpiskahan ng hinihinalang ilegal na droga at iba’t ibang drug paraphernalia sa isinagawang operasyon.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa himpilan ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito.