--Ads--

Nasawi ang isang lalaki matapos masangkot sa isang vehicular accident o self-accident sa bahagi ng kurbadang kalsada sa Barangay Villa Luna, Cauayan City, nitong gabi ng Mayo 10.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station (CCPS), kinilala ang nasawing driver na si Dollante Castañeda, 54-anyos, ambulant vendor at residente ng Purok 7D Villarta Street, Brgy. District 1, Cauayan City. Habang ang kaniyang kasama naman ay nagtamo lamang ng minor injuries.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-8:05 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Purok 12, Brgy. Villa Luna. Lulan umano ang dalawa sa isang red at black Yamaha YTX 155 na improvised tricycle o “kulong-kulong” na walang nakakabit na plaka at binabaybay ang kalsada patungong westbound direction.

Sa pagdating sa kurbadang bahagi ng daan, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver dahilan upang mag-overshoot ang sasakyan. Dahil dito, tumilapon ang driver at bumangga sa metal roadside guardrail.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo si Castañeda habang minor injuries naman ang tinamo ng kanyang pasahero.

Agad rumesponde ang Rescue 922 at nagbigay ng paunang lunas bago isinugod ang driver sa Isabela United Doctors Medical Center sa Brgy. Cabaruan para sa karagdagang gamutan.

Gayunman, idineklara ring dead on arrival ng attending physician ang biktima bandang alas-8:58 ng gabi ng parehong araw.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.