Nilinaw ng isang abogado na bahagi ng legal na proseso ang pagsasagawa ng clarificatory hearing sa pagtalakay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi nito na layunin ng clarificatory hearing na linawin lamang ang mga bahagi ng reklamo o ebidensya na hindi malinaw bago matukoy kung mayroong probable cause laban sa respondent.
Ayon kay Atty. Arreola, katulad ito ng mga prosesong ginagawa sa tanggapan ng piskalya at Ombudsman kung saan maaaring magpatawag ng clarificatory hearing kapag may mga detalye sa reklamo o counter-affidavit na kinakailangang linawin.
Gayunman, naging sentro umano ng usapin ang alegasyon ng ilang mambabatas na tila nagkaroon ng karagdagang pagbuo ng ebidensya sa halip na simpleng paglilinaw lamang sa mga naunang nakasaad sa impeachment complaint.
Ipinaliwanag naman ng abogado na maaaring maging bahagi ito ng depensa ng kampo ni Vice President Duterte sa oras na umabot ang kaso sa impeachment court sa Senado.
Aniya, maaaring kuwestyunin doon ang naging proseso ng pagdinig lalo na kung may alegasyon ng grave abuse of discretion o paglabag sa due process.
Sinabi rin nito na bagamat may presumption of regularity sa naging aksyon ng Kamara, maaari pa rin itong mabali kung may sapat na ebidensya na magpapakitang may mali sa proseso.
Ayon pa kay Atty. Arreola, sa sandaling maisampa sa Senado ang Articles of Impeachment ay magsisimula na ang panibagong proseso kung saan uupo bilang impeachment court ang Senado habang kikilos naman bilang prosecutors ang mga kinatawan mula sa House of Representatives.
Ipinaliwanag din nito na sapat na ang boto ng mahigit isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara upang maipasa ang impeachment complaint ngunit kinakailangan naman ng two-thirds vote o 16 na senador upang mahatulan ang respondent.
Dagdag pa ng abogado, may kapangyarihan ang Senado bilang impeachment court na suriin maging ang mga isyung may kaugnayan sa naging proseso ng impeachment sa Kamara.











