Nasawi ang dalawang binatang rider matapos masangkot sa vehicular accident na kinasasangkutan ng dalawang motorsiklo at isang van sa pambansang lansangan sa Brgy. Sagat, Cordon Isabela dakong alas-6 ng umaga nitong Mayo 12.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na isang 21-anyos na rider ng itim na Yamaha NMAX 150 at isang 18-anyos na rider ng Yamaha Sniper 155, kapwa residente ng Diffun, Quirino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PCapt. Federico Tulay, deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, sinabi nito na sangkot din sa insidente ang isang puting Mitsubishi Delica van na minamaneho ng isang 29-anyos na lalaki.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabagtas ng tatlong sasakyan ang pambansang kalsada patungong Quirino Province nang mangyari ang aksidente.
Nasa outermost lane umano ng kalsada ang Mitsubishi Delica habang nasa likuran nito ang dalawang motorsiklo.
Ayon kay PCapt. Tulay, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na mabilis umano ang takbo ng dalawang motorsiklo at tila nagkakarera habang sinusubukang mag-overtake.
Nagtangka umanong mag-overtake ang rider ng Yamaha Sniper ngunit hindi ito nakalusot dahilan upang mabangga nito ang likurang bahagi ng van.
Hindi na rin naiwasan ng Yamaha NMAX ang insidente kaya sumalpok din ito sa mga naunang sasakyan na nagresulta sa karambola.
Dahil sa malakas na impact, tumilapon sa kalsada ang dalawang riders at agad na isinugod sa pagamutan.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ang rider ng Yamaha NMAX sa ospital sa bayan ng Cordon habang dead on arrival din ang rider ng Yamaha Sniper nang dalhin sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad laban sa mabilis na pagpapatakbo at pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak upang maiwasan ang kapahamakan sa lansangan.











