--Ads--

Patuloy ang paghahanda ng Mexico para sa nalalapit na FIFA World Cup 2026, kung saan magsisilbi itong isa sa mga host countries sa ikatlong pagkakataon.

Ayon kay Ginoong Ralf Roldan, First Secretary at Consul ng Philippine Embassy sa Mexico, may humigit-kumulang 13 laban ang gaganapin sa tatlong lungsod ng bansa bilang bahagi ng torneo.

Magsisimula ang mga laro sa Hunyo 11 at magtatapos sa Hulyo 19, 2026.

Sa kanyang pag-iikot, sinabi ni Ginoong Roldan na isa sa mga pangunahing tinututukan ng Mexico ay ang modernisasyon ng mga paliparan upang matiyak ang maayos na pagdating ng mga bisita at delegasyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, malaki ang hilig ng Mexico sa football kaya’t karamihan sa mga stadium ay mayroon nang matitibay na imprastraktura at sumailalim na lamang sa rehabilitasyon upang umayon sa pamantayan ng FIFA.

Gaganapin ang mga laban sa Mexico City, Guadalajara, at Monterrey, sa mga pangunahing stadium na Estadio Azteca, Estadio Akron, at Estadio BBVA.

Ilang buwan ding isinara ang mga nasabing pasilidad para sa malawakang renobasyon at modernisasyon.

Sa Guadalajara, kabilang din sa mga inihandang proyekto ang pagpapabuti ng seguridad at transport infrastructure, kabilang ang pagtatayo at pag-upgrade ng ilang train stations upang mapabilis ang daloy ng mga turista at lokal na manonood.

Bukod sa paghahanda para sa World Cup, inaasahan din ng Mexico ang pagdagsa ng mga turista sa mga kilalang destinasyon nito, kaya’t pinaghahandaan din ang sektor ng turismo.

Ilang hotel sa bansa ang nagpatupad na rin ng maagang booking arrangements para sa inaasahang pagtaas ng demand sa panahon ng torneo.