Nagsimula na ang paghahati-hati ng mga miyembro ng House prosecution panel sa iba’t ibang grounds ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa nalalapit na impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, isa sa house prosecution panel sinabi nito na ina-assign na sa bawat prosecutor ang mga usapin kung saan sila may sapat na kaalaman at espesyalisasyon.
Kabilang umano sa mga pag-uusapang grounds ang mga alegasyon kaugnay sa unexplained wealth, confidential funds misuse, bribery at umano’y mga pagbabanta.
Ayon kay Cong. Ridon, tuloy-tuloy na rin ang kanilang mga preparasyon at pagpupulong upang matiyak na handa ang prosecution panel sa oras na simulan ng Senado ang impeachment proceedings.
Umaasa rin umano silang posibleng magsimula ang impeachment trial pagsapit ng Hunyo matapos ang kinakailangang pagpapalitan ng mga pleadings at iba pang proseso.
Iginiit naman ni Ridon na nananatili ang kanilang kumpiyansa sa Senado bilang impeachment court sa kabila ng mga hiwalay na isyung kinakaharap nito sa kasalukuyan at naniniwala silang magiging mahalaga ang mga ebidensyang kanilang ihaharap upang makahikayat ng sapat na boto mula sa mga senator-judges.Binigyang-diin din niya na malaking bagay umano ang naging overwhelming vote mula sa Kamara pabor sa impeachment complaint dahil nagpapakita ito ng suporta ng mga mambabatas para ituloy ang impeachment proceedings laban sa bise presidente.











