Umabot sa 158 traditional jeepney drivers ang pinagkalooban ng tig-₱5,000 cash assistance mula Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isinagawang payout sa Santiago City.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga namamasadang driver mula sa Santiago City, Jones, Isabela, at mga bayan ng Saguday, Maddela, Nagtipunan, Cabarroguis, at Aglipay, Quirino
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jay Peter Pardtio ng Aglipay, Quirino, malaking kaginhawaan umano para sa kanilang hanay ang ipinagkaloob na ayuda, partikular sa patuloy na pagsalo sa araw-araw na gastusin at pangangailangan ng kanilang pamilya.
Iginiit din ni Pardtio na makatutulong ang nasabing ayuda upang bahagyang maibsan ang pinansyal na pasaning dinaranas ng mga traditional jeepney drivers bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.
Umaasa naman ang mga benepisyaryo na magpapatuloy ang mga kahalintulad na programa upang higit na masuportahan ang kabuhayan ng mga traditional jeepney drivers sa rehiyon.
ipinaliwanag ng DSWD na layunin ng programa na makapaghatid ng agarang ayudang pinansyal sa sektor ng pampublikong transportasyon na patuloy na humaharap sa matinding hamon sa kabuhayan.











