Nasa humigit-kumulang 80% na ng delegasyon ng Region 2 ang nakarating sa Agusan del Sur para sa nalalapit na Palarong Pambansa 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Florante Vergara, sinabi nito na nasa biyahe pa ang 170 atleta at coaches mula sa rehiyon.
Ayon sa kanya, inaasahang darating mamayang gabi ang 114 delegado, habang ang natitirang 51 ay makarating naman bukas.
May ilang VIPs din na inaasahang kukumpleto sa delegasyon na darating sa Mayo 24, kasabay ng opisyal na pagbubukas ng Palarong Pambansa 2026.
Ani Vergara, sinisiguro ng Pamahalaang Panlalawigan ng Agusan del Sur ang maayos na pagtanggap sa mga delegasyon sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa kanilang transportasyon mula sa mga paliparan sa Butuan at Agusan del Norte patungo sa kanilang tutuluyan.
Dagdag pa niya, ang billeting quarters ng Region 2 ay nasa humigit-kumulang 29 kilometro ang layo mula sa sports complex na pagdarausan ng ilang mga laro.
Isa rin sa dahilan ng maagang pagdating ng delegasyon ay upang makapag-adjust ang mga atleta sa klima at kondisyon ng lugar bago ang kompetisyon.
Ayon pa sa kanya, malamig ang klima sa Agusan del Sur dahil sa mga kagubatan at bulubunduking bahagi ng lalawigan.
Airconditioned din aniya ang bawat kwarto kaya hindi na kailangan ang acclimatization ng mga atleta.
Umaasa naman ang delegasyon na magiging mapayapa at walang maitatalang hindi kanais-nais sa mga atleta tulad ng mga nakalipas na palaro kung saan may ilang nakaranas ng water at food poisoning na nakaapekto sa kanilang performance.
Pinasalamatan din ni Assistant Regional Director Vergara ang mga magulang na todo ang suporta sa mga anak at iba pang mga tumutulong sa paghahanda ng delegasyon.











