--Ads--

Hindi sumipot sa isinagawang preliminary conference ang isang barangay kagawad na nahaharap sa reklamong pambubugbog at pagkakasangkot umano sa ilegal na droga dahilan upang patawan ito ng 60-day preventive suspension.

Batay sa impormasyong nakalap, natanggap umano ng nasabing kagawad ang subpoena noong April 7 kaugnay sa kasong isinampa laban sa kanya.

Sa naturang conference ay tumestigo ang pamangkin ng biktima hinggil sa umano’y naganap na insidente ng pambubugbog noong gabing mangyari ang insidente.

Ayon sa salaysay ng witness, nasa kanilang bahay umano ang biktima nang magpaputok ito ng kwitis sa kanilang bakuran dahilan upang magulat ang mga nakarinig, partikular ang tiyahin ng biktima na agad umanong tumawag ng mga barangay tanod.

--Ads--

Samantala, pumasok na umano sa kanyang kuwarto ang biktima upang matulog bago dumating ang mga barangay tanod.

Nang hindi umano mailabas ng mga tanod ang biktima ay ipinatawag na nila ang nasabing barangay kagawad.

Doon umano pinasok ng kagawad ang kuwarto ng biktima at pinagsasampal ito bago dinala sa barangay hall.

Batay pa sa testimonya, sa loob umano ng barangay hall naganap ang pambubugbog sa biktima.

Bukod dito, sinabi rin ng witness na sapilitan umanong pinainom ang biktima ng isang puting gamot na hindi nito alam kung ano ang laman.

Bukod sa reklamong pambubugbog, idinadawit din umano ang nasabing barangay kagawad sa paggamit ng ilegal na droga matapos itong magpositibo sa isinagawang random drug testing sa Lungsod ng Cauayan noong nakaraang buwan.

Kasama rin umanong nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang isa pang barangay tanod.

Pinatunayan umano ito ng apat na barangay tanod na naka-duty tuwing gabi.

Ayon sa kanilang mga pahayag, umano’y hinihikayat o pinaggagamit sila ng ilegal na droga ng naturang kagawad at kapag tumatanggi silang gumamit ay pinapagalitan umano sila nito.

Samantala, nagbigay naman ng pahayag si Barangay Kagawad Danhill Damatan at inamin nitong wala umanong naging agarang aksyon noon ang barangay matapos malaman ang mga alegasyon sa kanilang lugar.

Ayon kay Kagawad Damatan, nagpatawag lamang umano noon ng meeting ang kanilang barangay captain ngunit wala nang sumunod na konkretong hakbang kaugnay sa usapin.

Gayunman, sinabi niyang magsasagawa siya ng panibagong pulong upang matutukan at mabigyan na ng kaukulang aksyon ang nasabing kaso lalo na’t wala umano sa kasalukuyan ang kanilang barangay captain.

Dahil naman sa hindi pagdalo ng nasabing kagawad sa isinagawang hearing ngayong araw, nagpasya ang kinauukulan na patawan ito ng 60-day preventive suspension.

Iginiit naman ng pamilya ng mga biktima na determinado silang ipagpatuloy ang kaso upang makamit umano ang hustisya para sa sinapit ng kanilang mga kaanak.