--Ads--

Ibinasura ng Commission on Elections o Comelec ang election offense complaints laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y ilegal na campaign donations noong 2022 national at local elections.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, nilinis ng Law Department ng komisyon ang dalawang opisyal batay sa umiiral na doktrina ng immunity from suit para sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Garcia na kinikilala sa Konstitusyon ang prinsipyong ito, kung saan ang pangulo at pangalawang pangulo ay itinuturing na kinatawan ng estado habang nanunungkulan, kaya’t hindi maaaring sampahan ng kaso habang nasa puwesto.

Dagdag pa niya, kapag itinuloy ng Comelec ang pag-aksyon sa mga reklamo laban kina Marcos at Duterte ay maaari itong lumabag sa probisyon ng Konstitusyon hinggil sa immunity from suit.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi nangangahulugan ang desisyon na hindi na maaaring imbestigahan o sampahan ng kaso ang dalawa matapos ang kanilang termino sa Hunyo 2028.

Nag-ugat ang reklamo sa petisyong inihain noong nakaraang buwan ng mga grupong pinangunahan ng election watchdog na Kontra Daya na humihiling ng preliminary investigation sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code.

Ayon sa mga petitioner, nakatanggap umano sina Marcos at Duterte ng ipinagbabawal na campaign donations mula sa mga government contractors na sina Rodolfo D. Hilot Jr., presidente ng Rudhil Construction Enterprises, Inc., at Glenn Y. Escandor, presidente ng ESDEVCO Realty Corp. at Genesis 88 Construction, Inc.

Batay sa Statements of Contributions and Expenditures o SOCE, umano’y nagbigay si Hilot ng ₱20 milyon sa kampanya ni Marcos habang nag-ambag naman si Escandor ng ₱19.9 milyon sa kampanya ni Duterte noong 2022 elections.