Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na bilisan ang proseso ng pagkuha ng mga bagong guro bago magsimula ang klase sa Hunyo.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Gatchalian na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng mahigit 32,000 teaching positions para sa school year 2026-2027.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang mapabilis ang hiring process upang agad na matugunan ang kakulangan ng mga guro sa iba’t ibang paaralan sa bansa.
Matatandaang ilang ulit nang nanawagan si Gatchalian para sa mas mabilis na recruitment ng mga guro. Sa mga nakaraang deliberasyon sa pambansang badyet, ipinunto niya na umaabot umano ng hanggang anim na buwan ang proseso dahil sa partisipasyon ng iba pang ahensya gaya ng DBM at Civil Service Commission (CSC).
Noong 2024, naglabas ang DepEd ng DepEd Order No. 021 series of 2024 upang mapadali at mapabilis ang pagpuno sa mga bakanteng posisyon sa kagawaran.
Sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan ang pamahalaan ng P42.4 bilyon para sa paglikha ng 32,916 teaching positions, kung saan 32,047 ay nakalaan para sa Teacher I items.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang matiyak na sapat ang bilang ng mga guro sa mga paaralan dahil sila ang may pangunahing papel sa paghubog ng mga mag-aaral, at anumang kakulangan ay direktang makaaapekto sa kalidad ng edukasyon ng mga kabataan.











