--Ads--

Ilang residente sa Barangay Buena Vista, Santiago City ang nakaranas ng pagbaha matapos ang sunod-sunod na pag-ulan sa mga nagdaang araw.

Isa sa mga matinding naapektuhan ay ang isang pamilya na matagal nang nakararanas ng pagbaha sa kanilang lugar. Ayon kay Lily Kimmayong, kahit hindi kalakasan ang ulan ay agad nang tumataas ang tubig sa kanilang bahay dahil umano sa baradong daluyan ng tubig sa lugar.

Aniya, una na nilang ini-report sa barangay ang problema noong Pebrero at humingi sila ng agarang aksyon tulad ng water pump upang maibsan ang pagbaha. Dahil umano sa kakulangan ng agarang tulong, sila na mismo ang gumastos para sa pagpapatakbo ng water pump at pagbili ng gasolina.

Dagdag pa ni Kimmayong, nangangamba sila sa posibleng epekto nito sa kalusugan lalo na sa mga bata dahil sa naipong marumi at stagnant na tubig na maaaring pamugaran ng lamok at pagmulan ng dengue.

--Ads--

Samantala, sinabi naman ng barangay captain ng Barangay Buena Vista na nagsasagawa na sila ng hakbang upang maresolba ang problema.

Ayon sa opisyal, natambakan umano ng lupa ang bahagi ng creek o daluyan ng tubig kaya hindi makadaloy nang maayos ang tubig-baha.

Sa kasalukuyan ay gumagamit na ng backhoe upang tanggalin ang nakaharang na lupa at muling mabuksan ang daanan ng tubig. Tinatayang nasa tatlong pamilya na rin ang apektado ng pagbaha sa lugar.

Nanawagan naman ang barangay sa mga residente na agad i-report ang mga kahalintulad na problema upang mas mapabilis ang aksyon ng mga otoridad.