Kinumpirma ni Senador Panfilo Lacson na may panibagong pagbabago umano sa pamunuan ng Senado na kasalukuyang pinag-uusapan.
Ito ay lumabas wala pang dalawang linggo matapos maupo si Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
Ayon kay Lacson, may mga talakayan na umano sa hanay ng 11 senador ng minority bloc hinggil sa isa na namang leadership change sa Senado.
Sinabi ni Lacson na si Sherwin Gatchalian ang lumilitaw na “compromise” candidate para sa pagka-Senate President dahil katanggap-tanggap umano ito sa parehong majority at minority bloc.
Dagdag pa niya, naging mahirap na umano ang posisyon ni Vicente Sotto III, na siya ring umamin dito, kaya’t napagkasunduan na si Gatchalian ang kanilang magiging kandidato.
Gayunman, sinabi ni Lacson na kailangan pa ng minority ng dalawa pang boto upang maisulong ang pagpapalit sa kasalukuyang liderato, lalo na’t inaasahang hindi makakadalo si Ronald dela Rosa dahil sa kinahaharap nitong arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Inihayag din ni Lacson na may ilang miyembro ng bagong majority bloc na nais sanang lumipat sa minority, ngunit hindi ito natuloy dahil may iba silang nais suportahan bilang Senate President. Bagama’t hindi niya pinangalanan, lumabas sa mga ulat na si Francis Escudero umano ang kandidatong kanilang sinusuportahan.
Ayon kay Lacson, nagkakaisa ang 11 miyembro ng minority bloc sa usaping ito at pangunahing layunin nilang mapanatili ang integridad, dignidad, at reputasyon ng Senado.
Samantala, sinabi naman ni Gatchalian na handa siyang maging Senate President kung sakaling siya ang mapili.
Ayon sa senador, marami na siyang natutunan sa loob ng 10 taon sa Senado, lalo na sa pangangasiwa ng iba’t ibang komite tulad ng economic affairs, energy, education, ways and means, at finance.
Kung sakali, ito ang magiging unang pagkakataon na pamunuan ni Gatchalian ang Senado.
Samantala, sa Kamara, tatlong kongresista na bumoto laban sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang tinanggal sa kanilang mga leadership post sa iba’t ibang komite.
Sa plenary session noong Miyerkules, inaprubahan ng Kamara ang mosyon upang alisin sina Southern Leyte Rep. Roger Mercado at Agusan del Norte Rep. Dale Corvera bilang vice chairmen ng House Committee on Appropriations.
Tinanggal din si Mercado bilang chairman ng House Committee on Population and Family Relations at pinalitan ni Northern Samar Rep. Edwin Ongchuan.
Samantala, inalis din si Laguna Rep. Ramil Hernandez bilang chairman ng House Special Committee on Southern Tagalog Development at pinalitan ni Laguna Rep. Loreto Amante.
Wala namang ibinigay na paliwanag ang Kamara sa naturang mga pagbabago.
Sa tala, 25 mambabatas ang bumoto laban sa paghahain ng articles of impeachment laban kay Duterte, habang 257 ang pabor dito.











