Muling naghain ng panukala sa Senado at Kamara ang ilang mambabatas upang ipagpaliban ng dalawang taon ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026, at ilipat ito sa 2028.
Sa Senado, naghain si Senador Francis Escudero ng panukalang palawigin mula apat na taon hanggang limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. Ayon sa senador, mas mahabang panahon ang kailangan ng mga lokal na opisyal upang maipatupad ang mga programa at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga komunidad.
Samantala, naghain din ng kahalintulad na panukala sa Kamara ang humigit-kumulang 60 mambabatas. Iginiit nilang nararapat ipagpaliban ang halalan dahil sa umano’y energy emergency at epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at gastusin sa pagsasagawa ng halalan.
Nakasaad sa panukala ni Escudero na pananatilihin ang kasalukuyang limitasyon sa termino ng mga opisyal. Mananatiling hanggang tatlong magkakasunod na termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng mga opisyal ng barangay sa parehong posisyon, habang isang termino pa rin ang papayagan para sa mga opisyal ng SK.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, ang madalas na pagsasagawa ng halalan ay maaaring makaapekto sa pagpapatupad ng mga pangmatagalang proyekto sa mga komunidad at maglipat ng pokus ng mga lokal na opisyal sa pulitika.
Sa kabila nito, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na handa itong isagawa ang Barangay at SK Elections sa Nobyembre 2 kung walang magiging pagbabago sa umiiral na batas.











