Pansamantalang isinailalim sa lockdown ang White House nitong umaga ng Linggo (oras sa Pilipinas) matapos marinig ang sunod-sunod na putok ng baril sa kalapit na lugar.
Ayon sa U.S. Secret Service, nakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa putok ng baril malapit sa 17th Street at Pennsylvania Avenue NW at agad silang nagsagawa ng beripikasyon sa mga tauhan na nasa lugar.
Ayon sa ulat, tinatayang 20 hanggang 30 putok ng baril ang narinig bandang alas-6 ng gabi. Dahil dito, inatasan ang mga U.S. Secret Service agents ang mga mamamahayag na nasa North Lawn na tumakbo papasok sa press briefing room para sa kanilang kaligtasan. Nakapuwesto rin ang mga armadong ahente sa labas ng silid habang nakatutok ang kanilang mga baril.
Sa pahayag ng U.S. Secret Service sa X, sinabi nitong kanilang biniberipika ang mga ulat hinggil sa insidente at nakikipag-ugnayan na sa mga tauhan sa lugar upang kumpirmahin ang nangyari.
Inalis naman ang lockdown sa White House bago mag-alas-7 ng gabi matapos ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad.
Kinumpirma rin ni FBI Director Kash Patel sa X na nasa lugar ang mga tauhan ng FBI at tumutulong sa U.S. Secret Service sa pagresponde sa insidente.
Samantala, nasa White House si US President Donald Trump nang mangyari ang insidente. Nauna ring kinumpirma na nasa lugar din si US Vice President JD Vance, ngunit hindi pa malinaw kung nasa loob pa rin siya ng White House o nakaalis bago ang insidente.
Hindi naman agad nagbigay ng karagdagang impormasyon ang United States Capitol Police kaugnay sa sitwasyon. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.











