--Ads--

Isang armadong lalaki ang namaril malapit sa White House nitong Sabado ng gabi bago siya napatay ng mga tauhan ng United States Secret Service, ayon sa ahensya.

Ayon sa ulat, may isang bystander na tinamaan ng bala sa insidente, habang walang nasaktan sa hanay ng mga pulis at Secret Service agents. Nasa loob ng White House si Pangulong Donald Trump nang mangyari ang pamamaril, ngunit hindi siya naapektuhan.

Naganap ang insidente bandang alas-6 ng gabi (EDT) sa may 17th Street at Pennsylvania Avenue, sa labas ng White House complex sa west side.

Batay sa paunang imbestigasyon, binunot umano ng suspek ang baril mula sa kanyang bag at agad na nagpaputok. Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at tinamaan ang suspek, na kalaunan ay idineklarang patay sa ospital.

--Ads--

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang kondisyon ng bystander na nasugatan.

Kinilala ang suspek na si 21-anyos na si Nasire Best mula sa Dundalk, Maryland. Nauna na rin umanong nahaharap sa kaso ang suspek kaugnay ng tangkang ilegal na pagpasok sa isang bahagi ng White House complex noong Hulyo 2025.

Dahil sa insidente, nagkaroon ng mabilisang pagresponde mula sa iba’t ibang law enforcement agencies at pansamantalang nagdulot ng alarma sa mga mamamahayag na nasa lugar, na nakarinig umano ng sunod-sunod na putok ng baril.