Naglunsad ng malawakang manhunt operation ang pulisya matapos ang pamamaril na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng ilan pa sa kasagsagan ng barangay fiesta sa Brgy. San Rafael Abajo, Sto. Tomas, Isabela nitong Sabado ng gabi, Mayo 24.
Ayon sa mga awtoridad, agad na nagsagawa ng dragnet operation, checkpoints, at flash alarm sa mga karatig na himpilan ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mga hindi pa nakikilalang armadong salarin.
Sa paunang imbestigasyon, dakong 7:50 ng gabi, May 24,2026 nang pagbabarilin ng mga suspek ang mga biktimang dumadalo sa selebrasyon ng pista habang nakaupo sa harap ng bahay ng isang pulis.
Dalawang biktima ang dead on the spot, habang isinugod naman sa ospital ang iba pang sugatan, kabilang ang isang pulis na kalaunan ay binawian din ng buhay.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Isabela Provincial Forensic Unit para sa crime scene processing at pangangalap ng karagdagang ebidensya habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.
Samantala, Naglabas ng opisyal na pahayag ang Local Government Unit ng Santo Tomas, Isabela kaugnay ng naganap na pamamaril.
Sa inilabas na pahayag ni Mayor LA Talaue, kinumpirma ng LGU ang insidente batay sa paunang ulat ng Philippine National Police (PNP).
Inatasan din ng alkalde ang Local Peace and Order Council, Municipal Social Welfare and Development Office, at PNP na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.











