--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na bata sa Natonin, Mountain Province matapos matukoy ang dalawang menor de edad bilang persons of interest sa insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Peter Apangcay, Public Information Officer ng Mountain Province Police Provincial Office, kinumpirma nitong dalawang menor de edad na lalaki na may edad 12 at 8 taong gulang ang iniimbestigahan kaugnay ng kaso.

Gayunman, tumanggi muna ang opisyal na magbigay ng karagdagang detalye alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente noong Mayo 23 habang idinaraos ang barangay fiesta sa lugar. Kasama umano ng bata ang kanyang lola at nakipaglaro pa ito sa ibang mga bata bago mawala.

--Ads--

Bandang alas-2 ng hapon nang mapansin ng lola na nawawala ang bata kaya agad itong hinanap ng pamilya at mga residente, na nagsagawa ng magdamagang search operation.

Kinabukasan, Mayo 24 bandang alas-7:30 ng umaga, natagpuan ang bata na wala nang buhay sa likod ng isang simbahan sa lugar.

Ang biktima, na tubong Bontoc, Mountain Province, ay isinugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa traumatic brain injury.

Sa ngayon, hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.

Batay sa paunang imbestigasyon, hindi rin isinasantabi ng pulisya ang posibilidad ng foul play. May nakita rin umanong mga physical injuries sa katawan ng biktima at iniimbestigahan din ang posibleng pang-aabuso matapos mapansing wala ang pang-ibabang kasuotan nito.

Ayon sa pulisya, ang mga menor de edad na sangkot ay ilalagay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development alinsunod sa batas, ngunit maaari pa ring maharap sa kaukulang kaso.

Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa mga magulang at guardian na paigtingin ang pagbabantay sa mga bata upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.