Agad na nasaklolohan ng mga tauhan ng Santiago City Mobile Force Company (SCMFC) ang isang buntis matapos itong abutan ng pagle-labor habang nasa isang patrol base sa Barangay Bannawag, Norte.
Kinilala ang buntis na si Maricar Reyes, residente ng Barangay San Jose, Santiago City.
Batay sa ulat, sakay ng kolong-kolong ang ginang kasama ang kanyang asawa patungo sana sa ospital nang huminto sila sa patrol base upang humingi ng tulong.
Habang nasa himpilan, bigla umanong pumutok ang panubigan ng buntis kaya agad na rumesponde ang mga pulis na naka-duty.
Mabilis siyang isinakay sa patrol vehicle at agad na inihatid sa Southern Isabela Medical Center o SIMC upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon.
Ayon sa ulat, ligtas na naisugod sa pagamutan ang ginang dahil sa maagap na aksyon ng SCMFC.
Patunay lamang ito ng kanilang patuloy na tungkulin na maghatid ng mabilis at makataong serbisyo publiko, lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang pagresponde.











