--Ads--

Nagpamahagi ng cash incentive ang Barangay Calaocan, Santiago City para sa mga estudyanteng nasa elementarya sa mga pampublikong paaralan sa nasabing lugar.

Ayon kay Barangay Captain Quinton Romero, bahagi ito ng ipinatutupad na ordinansa ng barangay na nagbibigay ng pagkilala at insentibo sa mga mag-aaral na may general average na 90% pataas at may perpektong attendance.

Layunin ng programa na hikayatin ang mga kabataan na paghusayin pa ang kanilang pag-aaral at ipakita ang disiplina sa regular na pagpasok sa klase.

Tinatayang nasa 500 estudyante ang nakatanggap o makatatanggap ng naturang insentibo sa ilalim ng programa ng barangay.

--Ads--

Ayon pa sa punong barangay, noong nakaraang pamamahagi ay umabot sa humigit-kumulang ₱200 ang natanggap ng bawat estudyante. Bagamat maliit ang halaga, ito ay mula sa personal na inisyatiba at suporta ng barangay para sa edukasyon ng mga mag-aaral.

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱200,000 ang kabuuang inilaan para sa naturang programa.

Dagdag pa ni Kapitan Romero, kabilang din sa mga benepisyaryo ang mga estudyanteng masisipag at halos walang absences sa klase.