Pormal nang isinailalim sa conversion ang dating Dubinan Elementary School bilang Dubinan Integrated School sa pamamagitan ng inisyatiba ng mga stakeholder sa pangunguna ni Congressman Joseph Tan, na maglalaan ng karagdagang silid-aralan para sa nasabing institusyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Principal I Joy Gabriel, sinabi nito na naisakatuparan ang institutional transition sa pamamagitan ng koordinasyon at suporta ng lokal na pamahalaan, kabilang ang city mayor, Sangguniang Panlungsod, at Schools Division Superintendent (SDS), na nagsilbing katuwang sa pagpapatupad ng integrated school system.
Mula sa pagiging paaralan na limitado lamang sa kindergarten at elementarya, opisyal nang magpapatupad ang institusyon ng junior high school program para sa School Year 2026–2027. Grade 7 lamang muna ang bubuksan bilang unang batch sa initial phase ng operasyon.
Tinatayang nasa 70 mag-aaral ang inaasahang mag-eenrol sa Grade 7 na hahatiin sa dalawang seksyon. Habang isinasagawa ang transisyon at konstruksyon ng karagdagang pasilidad, pansamantala munang gagamitin ng mga estudyante ang mga umiiral na silid-aralan.
Iniulat din na maglalaan ang Schools Division Office ng mga teaching personnel upang suportahan ang operational requirements ng Grade 7 program sa unang taon ng implementasyon.
Ayon pa kay Gabriel, bahagi ang integrasyon ng paaralan sa mas malawak na layunin na mapalawak ang access sa basic education, mabawasan ang gastusin ng mga magulang sa transportasyon, at mapabuti ang educational delivery sa komunidad.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Dubinan Integrated School ang kahandaan nitong tumanggap ng mga enrollees para sa Grade 7 at elementarya, kasabay ng patuloy na paghahatid ng dekalidad, inklusibo, at accessible na serbisyong pang-edukasyon.









