--Ads--

Nagkaroon ng balasahan sa liderato ng Senado matapos pormal na manumpa si Senator Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore ngayong araw.

Ang transition na ito ay naging mabilis matapos ihain ni Senator Vicente ‘Tito’ Sotto ang mosyon na agad namang tinanggap ng kapulungan upang simulan ang opisyal na paggampan ni Gatchalian sa kanyang bagong tungkulin.

Naging posible ang pagpapatuloy ng sesyon ng Senado ngayong araw matapos makadalo ang 12 senador, sapat upang magkaroon ng quorum.

Matatandaang dalawang magkasunod na araw na hindi natuloy ang sesyon dahil sa kakulangan ng mga miyembro upang makabuo ng quorum at kawalan ng presiding officer.

--Ads--

Kabilang sa mga dumalo ngayong araw si Sen. Francis Escudero mula sa majority bloc, na tumulong upang matiyak ang pagpapatuloy ng sesyon.

Matapos opisyal na maideklara ang pagkakaroon ng quorum, pormal nang inihalal ang mga bagong chairperson na mamumuno sa iba’t ibang komite ng Senado.

Si Senator JV Ejercito ang itinalagang mamuno sa makapangyarihang Committee on Finance, habang si Senator Vicente “Tito” Sotto naman ang hahawak sa Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation. Ipinagkatiwala naman kay Senator Ping Lacson ang pamumuno sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs, pati na rin sa Committee on Accounts.

Dalawang krusyal na komite ang pangangasiwaan ni Senator Erwin Tulfo: ang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o mas kilala bilang Blue Ribbon Committee, at ang Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development. Samantala, ang kanyang kapatid na si Senator Raffy Tulfo ang magsisilbing pinuno ng Committee on Public Services.

Para naman sa sektor ng edukasyon at agrikultura, si Senator Bam Aquino ang hinirang na bagong pinuno ng Committee on Basic Education, habang si Senator Kiko Pangilinan ang mamamahala sa Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform. Mananatili naman si Senator Risa Hontiveros bilang pinuno ng Committee on Health and Demography.

Binalasa rin ang iba pang pangunahing komite kung saan si Senator Lito Lapid ang mamumuno sa Committee on Games and Amusement, si Senator Francis “Chiz” Escudero sa Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, at si dating Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ang hahawak sa Committee on Foreign Relations at Committee on Rules.