Humiling si Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na payagan siyang makapagpiyansa upang makalaya pansamantala habang dinidinig ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y pagtanggap ng kickback mula sa mga proyektong flood control ng pamahalaan.
Batay sa kalendaryo ng Sandiganbayan, tatalakayin ng anti-graft court ang agarang mosyon ni Estrada para sa pagtatakda ng piyansa, gayundin ang kanyang kahilingan na mailipat sa ibang detention facility, alas-8:30 ng umaga sa Huwebes, Hunyo 4, 2026.
Sa kaparehong araw din nakatakda ang arraignment ni Estrada sa kasong plunder kasama ang apat niyang kapwa akusado.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Estrada sina dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan, DPWH-National Capital Region (NCR) Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, at mga District Engineer na sina Manny Bumagat Bulusan at Arturo Lombres Gonzales Jr.
Ang arraignment ay isang proseso sa korte kung saan pormal na inihaharap sa mga akusado ang sakdal at hinihingan sila ng plea kung sila ba ay guilty o not guilty sa kasong isinampa laban sa kanila.
Kung tatanggi ang isang akusado na magsumite ng plea, ang hukuman ang magtatala ng not guilty plea para sa kanya.
Bukod sa kasong plunder, nahaharap din sina Estrada, Bonoan, at ang tatlong opisyal ng DPWH-NCR sa kasong graft na nakabinbin sa Fifth Division ng Sandiganbayan.
May hiwalay ding kasong graft sina Estrada at Bonoan na kasalukuyang dinidinig ng Sandiganbayan Second Division.










