Ibinunyag ng 18 nagpakilalang dating Marines ng umano’y malawakang operasyon ng paghahatid ng mga maletang naglalaman ng pera para sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno at mga personalidad sa pulitika, ayon sa kanilang joint affidavit na iniharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon sa mga testigo, nagsilbi umano silang mga tauhan o “bagman” ni dating Zaldy Co at naghatid ng bilyun-bilyong pisong umano’y kickbacks mula sa mga flood control projects. Anila, bawat maleta ay naglalaman ng tinatayang P48 milyon.
Sa pagdinig, sinabi ng testigong si Johnny Buduan na noong 2022 ay naghatid umano sila ng limang maleta sa Ilocos Norte na nakalaan umano para kay Ferdinand Marcos Jr.. Inihayag din niya na may mga maletang tinanggap umano ni Sandro Marcos noong panahon ng kampanya.
Samantala, iginiit ng mga testigo na nakapaghatid rin umano sila ng limang malalaking maleta ng pera kay Vicente Sotto III sa isang gusali sa Baclaran, Parañaque noong 2024.
Kinumpirma naman ng testigong si Bernard Gumban na dalawang beses umano siyang naghatid ng mga maleta sa bahay ni Erwin Tulfo, kabilang ang isa umanong naglalaman ng halagang nasa pagitan ng P20 milyon hanggang P50 milyon.
Binanggit din sa pagdinig ang mga pangalan nina Leila de Lima, France Castro, Raoul Manuel, Antonio Trillanes IV, at iba pang mga mambabatas at personalidad na umano’y kabilang sa mga pinagdalhan ng mga maleta o nakipagpulong kay Co.
Sa kasalukuyan, nananatiling mga alegasyon ang mga pahayag na ito at inaasahang sasailalim pa sa masusing beripikasyon at imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad. Wala pang pinal na desisyon o hatol ang anumang korte kaugnay ng mga naturang akusasyon.










