--Ads--

Mahigpit na binabantayan ng Joint Inspection Team ng pamahalaang lungsod ng Santiago ang mga negosyong iniuugnay sa umano’y environmental violations at public health concerns sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, Hepe ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Santiago City, sinabi nitong kabilang sa mga natutukoy sa mga inspeksyon ang mga establisimyentong hindi maayos ang pagtatapon ng wastewater at iba pang uri ng basura, na nagreresulta sa mabahong amoy at mga reklamong nagmumula sa mga residente ng mga apektadong komunidad.

‎Ayon kay Cabanos, bahagi ang DPOS ng Joint Inspection Team kasama ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Business Licensing Office na nagsasagawa ng regular na ocular inspection sa mga negosyo upang matiyak ang pagsunod ng mga ito sa mga umiiral na batas at regulasyon.

‎Aniya, may ilang negosyante ang nakatuon lamang sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo ngunit nakaliligtaang sumunod sa mga kinakailangang permit at iba pang regulatory requirements na itinakda ng pamahalaan.

--Ads--

‎Bukod sa mga isyung pangkapaligiran, may mga establisimyento rin umanong natutukoy na kulang o walang kaukulang dokumento para sa kanilang operasyon.

‎Binigyang-diin ni Cabanos na maaaring maharap sa kaukulang aksyon, kabilang ang pagpapatigil o pagpapasara ng operasyon, ang mga negosyong mapatutunayang lumalabag sa environmental, sanitary, at business regulations ng lungsod.

‎Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa mga may-ari ng negosyo na sumunod sa mga umiiral na alituntunin upang maiwasan ang mga paglabag na maaaring makaapekto sa kapaligiran, kalusugan ng publiko, at kapakanan ng komunidad.