--Ads--

Hinamon ni Senator Alan Peter Cayetano si Senator Sherwin “Win” Gatchalian na magpulong upang pag-usapan at hanapan ng solusyon ang sigalot kung sino ang may lehitimong karapatan sa posisyon ng Senate President.

Sa facebook livestream ng Senador nitong Sabado, iginiit ni Cayetano na ayon sa kanyang pagbasa sa Saligang Batas, mga tuntunin ng Senado, at maging sa Bibliya, ang tunay na Senate President ay ang nahalal sa pamamagitan ng boto ng mayorya o hindi bababa sa 13 senador.

Nag-ugat ang kontrobersiya matapos ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3 kung saan 12 senador ang dumalo, kabilang ang mga miyembro ng minorya at si Senador Francis “Chiz” Escudero. Sa naturang sesyon, idineklara ang pagkakaroon ng quorum batay sa naging pasya ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco noong 1949.

Sa parehong sesyon, idineklarang bakante ang lahat ng inihalal na posisyon sa Senado, kabilang ang pagka-Senate President. Nahalal naman si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore, na naging daan upang kilalanin siya ng grupong namuno sa sesyon bilang acting Senate President. Nagkaroon din ng pagbabago sa pamunuan ng iba’t ibang komite ng Senado.

--Ads--

Ayon sa kampo ng tinatawag na “new majority,” hindi na Senate President si Cayetano. Gayunman, patuloy niyang iginigiit na siya pa rin ang legal at lehitimong may hawak ng posisyon.

Binigyang-diin ni Cayetano na magkaiba ang probisyon ng Konstitusyon hinggil sa quorum at sa bilang ng boto na kinakailangan upang makapili ng Senate President. Aniya, kinakailangan ang boto ng mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado para sa halalan ng pangulo ng kapulungan at iba pang opisyal nito.

Kaugnay nito, nagpahayag din si Senadora Loren Legarda na hindi na dapat direktang ihalintulad ang kasong Avelino v. Cuenco sa kasalukuyang sitwasyon dahil isinagawa ito sa ilalim ng 1935 Constitution. Ayon sa kanya, ang umiiral na ngayon ay ang 1987 Constitution na malinaw na nangangailangan ng 13 boto para sa paghalal ng Senate President at iba pang opisyal ng Senado.

Nauna nang tinutulan ni Gatchalian ang naturang pananaw. Samantala, nagpahayag naman ang Integrated Bar of the Philippines at ilang eksperto sa batas na may bisa at maaaring gamitin bilang batayan ang naging interpretasyon ng kampo ni Gatchalian sa kasong Avelino v. Cuenco.