--Ads--

Nanawagan ang mga awtoridad sa mga motorista na maging mas maingat at responsable sa pagmamaneho kasunod ng naganap na aksidente sa bayan ng Luna, Isabela na ikinasawi ng isang motorcycle rider.

Ayon kay PMaj. Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, isa sa mga nakikitang sanhi ng mga aksidente sa kanilang nasasakupan ay ang mga malalaking sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada, lalo na kung hindi agad ito napapansin ng mga dumaraang motorista.

Aniya, mahalagang sundin ng mga may-ari at drayber ng truck, trailer truck, at iba pang malalaking sasakyan ang mga patakaran sa ligtas na pagpaparada upang maiwasan ang mga aksidente at kapahamakan sa kalsada.

Pinaalalahanan din ni Police Major Ramos ang mga drayber na tiyaking nakabukas ang kanilang hazard lights kung kinakailangang huminto o magparada sa gilid ng daan, lalo na sa mga lugar na madilim o may mababang visibility.

--Ads--

Dagdag pa niya, mahalaga ring manatiling alerto ang mga motorista at panatilihin ang tamang bilis ng kanilang mga sasakyan upang magkaroon ng sapat na oras na makapagpreno o makaiwas sakaling may mga nakahintong sasakyan sa kanilang dinaraanan.

Patuloy naman ang Luna Police Station sa pagsasagawa ng mga hakbang upang paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko at mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.