Ituturn over ng Senado sa Philippine National Police (PNP) bukas, araw ng Lunes si contractor Curlee Discaya, ayon sa mga opisyal ng Mataas na Kapulungan.
Inaasahang ipatutupad ng PNP ang warrant of arrest na inisyu ng Bulacan Regional Trial Court laban kay Discaya at sa kanyang asawang si Sarah, kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kinalaman sa umano’y anomalya sa flood control project sa lalawigan.
Matatandaang si Discaya ay nasa kustodiya ng Senado mula pa noong Setyembre 2025 matapos i-contempt ng Blue Ribbon Committee dahil sa umano’y hindi pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado sa flood control fund scandal.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, hindi na inimbitahan si Discaya sa isasagawang public hearing ng bagong majority bloc na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at PNP para sa nasabing turnover.











