Magsasagawa ngayong Lunes ang Blue Ribbon Committee sa ilalim ng pamumuno ni Senador Erwin Tulfo ng isang opisyal na pagdinig kaugnay ng umano’y multibilyong pisong anomalya sa flood control projects.
Ang pagdinig ang kauna-unahang opisyal na hakbang ng bloc ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado noong nakaraang linggo.
Ayon kay Gatchalian, inimbitahan ang 18 indibidwal na nagpakilalang mga dating sundalo na naunang humarap sa pagdinig ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano upang muling ilahad ang kanilang mga alegasyon. Giit niya, kung totoo ang kanilang mga pahayag, dapat silang humarap sa opisyal na imbestigasyon ng komite.
Inaasahan ding iimbitahan bilang resource person si dating House Speaker Martin Romualdez, habang hindi kabilang sa mga inimbitahan si contractor Curlee Discaya na kasalukuyang nasa kustodiya ng Senado at nakatakdang ilipat sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP).
Samantala, iginiit ng ilang mambabatas na hindi maituturing na opisyal na pagdinig ng Senado ang isinagawang hearing ng kampo ni Cayetano noong nakaraang linggo dahil wala umano itong pormal na awtorisasyon mula sa bagong liderato ng Mataas na Kapulungan.











