Agad na nag-utos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na kumilos matapos yanigin ng malakas na lindol ang baybayin ng Sarangani ngayong umaga na nagbunsod din ng tsunami warning sa ilang lalawigan sa Mindanao.
Kasalukuyan nang nagtutulungan ang Office of Civil Defense at NDRRMC sa disaster response habang inatasan naman ang DSWD na ihanda ang mga relief goods at tiyaking operational ang mga evacuation center.
Naka-standby na rin ang DPWH upang suriin ang pinsala sa mga kalsada at tulay habang ipinatupad naman ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Mahigpit na nakiusap ang Pangulo sa mga mamamayan na sundin ang tsunami warning at agad na lumikas patungo sa mas matataas na lugar dahil mas mahalaga ang buhay kaysa sa mga materyal na bagay.
Tiniyak ni Marcos na gumagalaw ang pambansang pamahalaan at patuloy ang kanyang komunikasyon sa mga lokal na pinuno sa Mindanao upang maghatid ng mabilis na tulong.











