Nasawi ang isang lalaki matapos malunod sa Pinacanauan River sa bahagi ng Baculud overflow bridge sa Lungsod ng Ilagan nitong Martes ng hapon, Hunyo 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Peter Lora, Operations Section Chief ng Rescue 1124 Ilagan City, sinabi nitong nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang 1:26 ng hapon kaugnay ng insidente.
Napansin umano ng bystander na hindi na muling lumutang ang lalaki matapos itong tumalon sa may tulay. Inabot naman ng ilang minuto bago naiparating ang impormasyon sa mga awtoridad dahil wala umanong load ang saksi at nakitawag lamang sa isang dumaraang tricycle driver.
Dahil sa kakulangan ng detalyeng ibinigay sa paunang ulat, nahirapan ang rescue team na matukoy ang eksaktong lokasyon ng biktima, dahilan upang tumagal ng halos isang oras ang paghahanap.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang Rescue 1124 at nakipag-ugnayan sa Philippine National Police para sa koordinasyon ng operasyon.
Nang matagpuan ang lalaki, idineklara itong dead on arrival (DOA). Sa ngayon ay hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan nito, bagama’t tinatayang nasa edad 20 pataas.
Napag-alaman na may kasama umanong dalawang bata ang biktima bago ang insidente, subalit umalis na ang mga ito sa lugar matapos hindi na makita pang lumutang ang lalaki.
Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay rito.










