Patuloy na sinisiyasat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang posibleng kontaminasyon sa tubig ng Pinacanauan de Ilagan River matapos ang insidente ng fish kill sa Barangay Maluno Sur, Benito Soliven, habang hinihintay pa ang opisyal na resulta ng pagsusuri ng Environmental Management Bureau (EMB) upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. John Mark Paracad, Chief ng Information Division ng DENR Cagayan Valley, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng ulat noong Mayo 30 kaugnay ng umano’y fish kill sa bahagi ng Pinacanauan de Ilagan River sa Barangay Maluno Sur, Benito Soliven.
Ayon kay Paracad, may mga reklamong natanggap ang kanilang ahensya mula sa mga residente na naghihinalang may kontaminasyong nakaapekto sa kalidad ng tubig sa ilog at posibleng nagdulot sa pagkamatay ng mga isda.
Noong Mayo 31, nagtungo sa lugar ang DENR Region 2, Environmental Management Bureau (EMB), mga provincial environment officers ng Isabela at CENRO-Naguilian upang magsagawa ng imbestigasyon at pagkuha ng mga sample.
Sa kanilang inspeksyon, nakita ang mga namatay na karpa, tilapia, kurilao at igat na tinatayang umaabot sa mahigit 100. Kumuha rin ang mga awtoridad ng water samples at fish samples para sa laboratory examination at assessment.
Sinabi ni Paracad na nagsagawa rin ng pagsusuri ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kung saan lumabas na nasa normal na antas ang ammonia nitrogen, nitrate nitrogen at temperatura ng tubig.
Gayunman, nilinaw niya na ilang araw na ang lumipas bago naisagawa ang pagsusuri kaya posibleng naapektuhan na ng mga pag-ulan ang kondisyon ng tubig at nagkaroon ng dilution na maaaring nakaimpluwensya sa resulta.
Lumabas din sa isinagawang morphological examination na hindi pa maaaring direktang ituring na kontaminasyon ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda. Aniya, mas malinaw sana ang resulta kung naisagawa ang pagsusuri sa mismong araw ng insidente.
Samantala, wala pa ring inilalabas na opisyal na laboratory report ang EMB dahil mas marami itong sinusuring parameters kumpara sa isinagawang pagsusuri ng BFAR.
Kasabay ng imbestigasyon, nagsagawa rin ng inspeksyon ang DENR, iba pang ahensya at lokal na pamahalaan sa Green Future Innovations Inc. (GFII), isang bioethanol plant sa San Mariano, Isabela, matapos itong mabanggit sa mga reklamong isinumite ng ilang residente.
Sa isinagawang inspeksyon, natukoy ng DENR ang ilang kakulangan sa operasyon ng planta kabilang ang kawalan ng sapat na freeboard safety margins sa settling ponds, pagkakaroon ng mga bitak sa ilang bahagi ng pasilidad, hindi maayos na lokasyon ng ash stockpile, problema sa odor control at kakulangan sa monitoring ng operasyon.
Gayunman, binigyang-diin ni Paracad na ang mga natuklasang ito ay may kaugnayan sa environmental compliance ng planta at hindi pa maaaring iugnay sa insidente ng fish kill sa Benito Soliven.
Aniya, hinihintay pa ng kanilang tanggapan ang opisyal na resulta ng pagsusuri ng EMB upang matukoy kung may kontaminasyong naganap sa Pinacanauan River at kung may kinalaman ito sa pagkamatay ng mga isda.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na rekomendasyon para sa pagsuspinde sa operasyon ng planta habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya.
Inaasahang mailalabas ang nasabing report mula sa EMB ngayong linggo.











