Ipinaliwanag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang pagdo-donate ng mga nakumpiskang finished rattan products, partikular ang mga duyan, sa mga sundalong nakabase sa Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. John Mark Paracad, Chief ng Enforcement Division ng DENR Region 2, sinabi niya na ang rattan ay isang minor forest product, tulad ng buho at kawayan, at kabilang sa mga produktong mahigpit na kinokontrol sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 705 o Forestry Reform Code of the Philippines.
Aniya, ang mga duyan ay nakumpiska noong Nobyembre 14, 2025 sa Sta. Praxedes, Cagayan mula sa isang trader na walang maipakitang kaukulang dokumento na magpapatunay sa pinagmulan ng mga ito.
Hindi umano napatunayan ng trader na apat na beses nang nahuli sa pagbyahe ng ganitong produkto, kung saan nagmula ang mga nasabing produkto kaya naharap ito sa kasong paglabag sa PD 705.
Nilinaw ni Atty. Paracad na ang mga duyan ay hindi nakumpiska mula sa mga rattan gatherer sa kagubatan kundi mula sa isang trader. Isinailalim ang kaso sa administrative confiscation proceedings kung saan binigyan ng pagkakataon ang trader na magpaliwanag, ngunit nabigo itong magsumite ng mga kinakailangang dokumento. Dahil dito, nagpasya ang DENR na ang mga nakumpiskang produkto ay magiging pag-aari na ng pamahalaan.
Dahil forest products ang mga ito, kinakailangang ma-dispose o maipamigay ng DENR upang mapakinabangan. Ayon kay Atty. Paracad, maaari sana itong ipa-auction, ngunit dahil sa matagal na proseso ay minabuti nilang i-donate ang mga ito sa mga ahensyang nangangailangan.
Una itong inalok sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ngunit walang natanggap na tugon ang DENR. Nang magpadala ng kahilingan ang Philippine Army para magamit sa rescue operations tuwing may kalamidad at iba pang community-driven activities, dito ipinagkaloob ang ilan sa mga nakumpiskang duyan.
Aniya, umaabot sa 300 ang kabuuang bilang ng mga nakumpiskang duyan at bahagi pa lamang nito ang naibigay sa Philippine Army. Hinihintay pa rin nila ang tugon ng iba pang ahensyang inalok ng donasyon.
Ayon sa opisyal, ang hakbang na ito ay bahagi ng tamang disposisyon ng mga nakumpiskang illegal forest products alinsunod sa umiiral na batas at mga regulasyon.
Upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap, nakipag-ugnayan umano ang DENR sa mga rattan gatherer, kabilang ang ilang Aeta sa Sta. Ana, Cagayan, upang makabuo ng mga organisasyon at mapalakas ang kanilang samahan. Layunin din nitong matulungan silang mairehistro at makakuha ng mga kinakailangang permit mula sa DENR para sa legal na pagkuha at pagbebenta ng rattan.
Giit ng DENR, marami sa mga rattan gatherer at traders ang hindi sapat ang kaalaman sa mga umiiral na regulasyon hinggil sa pagkuha ng forest products. Dahil dito, isinasama sila ng ahensya sa mga programa ng gobyerno katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ng DENR, kadalasang dinadala pa ng mga rattan gatherer sa ibang lugar ang kanilang mga nakuhang raw materials ng rattan, dahilan upang tumaas ang kanilang gastos at mabawasan ang kanilang kakayahang makipagtawaran sa mga trader.
Sa pagkakaroon ng organisasyon o asosasyon, magkakaroon sila ng mas maraming pagpipilian kung ibebenta lamang ang raw materials o sila na mismo ang gagawa ng mga finished products at maibebenta sa mga rehistradong traders sa tamang presyo.
Ayon pa sa ahensya, registration at permit lamang ang pangunahing kailangan, kasama ang mababang administrative fee na nasa P500 pababa para sa pagproseso ng mga dokumento.
Dagdag pa ni Atty. Paracad, bagama’t itinuturing na sustainable resource ang rattan, kinakailangan pa rin ng regulasyon sa pagputol nito. Aniya, hindi maaaring sabay-sabay at walang kontrol na putulin ang mga ito dahil may posibilidad na hindi na muling tumubo ang mga rattan sa mga lugar na pinagkunan.










