--Ads--

Pinabulaanan ng Pamahalaang Lungsod ng Santiago ang mga reklamong lumulutang mula sa ilang residente na hindi pa umano nakatatanggap ng ipinapamahaging kalahating kaban ng bigas, kasabay ng pagtiyak na walang maiiwang benepisyaryo sa isinasagawang malawakang distribusyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Santiago City Mayor Sheena Tan, sinabi nitong nagpapatuloy pa hanggang sa buwan ng Hunyo at unang bahagi ng Hulyo ang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong residente ng lungsod.

Ayon sa alkalde, tinatayang nasa 53,000 benepisyaryo ang target na mabigyan ng kalahating kaban ng bigas sa ilalim ng programa ng lokal na pamahalaan.

Aniya, nasa mahigit 20 barangay kada araw ang naaabot ng mga personnel na nagsasagawa ng distribusyon, at maging sa gabi ay nagpapatuloy ang kanilang operasyon upang mapabilis ang paghahatid ng ayuda.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Mayor Tan na door-to-door ang sistema ng pamamahagi upang hindi na mahirapan ang mga residente, lalo na ang mga senior citizen at iba pang mahihina ang pangangatawan, na magbuhat at pumunta pa sa mga distribution sites.

Binigyang-diin din ng alkalde na hindi lahat ng benepisyaryo ay natatagpuan agad sa kanilang tahanan dahil may ilan na nasa trabaho o may iba pang pinagkakaabalahan sa oras ng distribusyon.

Dahil dito, tiniyak niya na magkakaroon ng itinakdang araw para sa mga hindi agad nabigyan upang makuha pa rin nila ang kanilang alokasyon.

Maaari rin umanong personal na magtungo ang mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang bigas sa tanggapan ng City Mayor’s Office upang maasikaso ang kanilang concern.

Kasabay nito, nanawagan si Mayor Tan sa mga residente na huwag mawalan ng pag-asa at huwag mag-alala kung hindi pa sila nabibigyan, dahil nakatakda umanong maipamahagi ang ayuda sa lahat ng benepisyaryong kabilang sa programa ng lungsod.