Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maisama sa kanyang listahan ng mga non-privileged contacts ang isang indibidwal na hindi isinapubliko ang pagkakakilanlan.
Sa 11-pahinang desisyon na may petsang Hunyo 11, inatasan ng korte ang Registry na agad itong ipaalam kung may paglabag sa umiiral na mga restriksyon sa komunikasyon, gayundin ang anumang mahahalagang kaugnay na kaganapan.
Ayon sa ICC Trial Chamber, hindi na kinakailangan sa kasalukuyan ang pagbabawal sa mga tawag at pagbisita sa pagitan ni Duterte at ng naturang indibidwal.
Dahil dito, iniutos ng korte na idagdag ang naturang tao sa listahan ng mga non-privileged contacts ni Duterte, alinsunod sa mga kondisyong itinakda sa mga naunang desisyon ng hukuman.
Sa desisyon, binigyang-diin ng Chamber na ang isang detainee ay may karapatang tumanggap ng sulat, koreo at mga padala, gayundin ang makipag-ugnayan sa kanyang pamilya at iba pang tao sa pamamagitan ng liham o telepono at makatanggap ng mga pagbisita.
Ipinaalala rin ng korte na kinikilala sa legal na balangkas ng ICC ang karapatan ng isang detainee sa privacy at buhay-pamilya. Anila, isa rin itong kinikilalang prinsipyo ng karapatang pantao sa pandaigdigang antas.
Batay sa dokumento, naghain noong Mayo ang kampo ni Duterte ng kahilingan na baguhin ang umiiral na contact restrictions upang pahintulutan ang komunikasyon sa naturang indibidwal, na sasailalim pa rin sa monitoring alinsunod sa mga kautusan ng korte.
Hindi naman tumutol ang Prosecution sa kahilingan, basta’t mananatili ang kasalukuyang mga limitasyon sa pakikipag-ugnayan. Gayunman, kinuwestiyon nito ang ilan sa mga argumento ng depensa.
Ayon sa Chamber, dahil walang pagtutol sa hinihiling na relief ng depensa, hindi na kinakailangang talakayin pa ang iba pang mga argumento sa kaso.
Samantala, iniulat ng Registry na wala itong naitalang alalahanin o paglabag mula noong huli nitong ulat noong Nobyembre 2025.
Nabatid din na hindi nakapagsumite ng kanilang obserbasyon sa itinakdang panahon ang Common Legal Representatives of Victims.
Kasabay nito, pinalawig ng ICC ang umiiral na contact restrictions para kay Duterte, na may ilang pagbabago batay sa pinakahuling desisyon ng korte.
Nakatakdang simulan ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026.










