Nanawagan si Volt Bohol, pangulo ng August Twenty-One Movement (ATOM), na magbitiw sa pwesto si Senator Alan Peter Cayetano dahil umano sa nagiging “nakakahiyang” imahe nito ng bansa sa mata ng ibang bansa.
Sa isang pahayag, diretsahang sinabi ni Bohol: “Mag-resign na po kayo, nakakahiya na po tayo sa ibang bansa,” habang binabatikos din nito ang kampo ng senador sa umano’y paggamit sa pangalan ng yumaong Senador Ninoy Aquino at sa kasaysayan ng “Yellow movement.”
Ayon kay Bohol, tila estratehiya lamang umano ng kampo ni Cayetano ang paggamit sa “Laban sign” at sa alaala ng paglaban sa diktadura ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang magmukhang katanggap-tanggap sa publiko ang kasalukuyan nitong posisyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Giit pa ng ATOM, ginagamit umano ang mga simbolo ng makasaysayang pakikibaka upang “romantisin” o pagandahin ang imahe ng kasalukuyang politikal na hakbang ng senador.
Binigyang-diin din ng grupo na si Ninoy Aquino ay isang lider-oposisyon na ikinulong noong panahon ng diktadura dahil sa paglaban sa “pasismo, korapsyon, at kawalan ng pananagutan.”
Samantala, iniuugnay naman si Cayetano at ang ilang senador na sumusuporta sa kanya sa hanay ng mga kaalyado ng mga Duterte, kabilang ang suporta umano ni Davao City Mayor Sebastian Duterte sa ambisyon ng senador na maging Pangulo ng Senado.











