--Ads--

Isasama sa 2027 General Appropriations Act (GAA) ang pondo para sa muling pagpapatayo ng mga nasirang imprastraktura sa Mindanao kasunod ng malakas na lindol sa rehiyon, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Ayon kay Dy, inatasan na niya ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na opisyal sa Southern Mindanao na magsumite ng kumpletong ulat hinggil sa lawak ng pinsala sa mga imprastraktura at ang kinakailangang pondo para sa kanilang rehabilitasyon.

Personal na bumisita ang House Speaker sa General Santos City upang maghatid ng tulong sa mga biktima ng lindol at inspeksyunin ang General Santos City International Airport na kabilang sa mga apektadong pasilidad.

Kasabay nito, ipinag-utos niya ang agarang pagsusumite ng mga ulat mula sa national at local officials upang maisama sa budget ang rehabilitasyon ng mga nasirang ospital, paliparan, kalsada, tulay, at iba pang pampublikong imprastraktura.

--Ads--

Binigyang-diin ni Dy na prayoridad ng Kongreso ang mabilis na pagpapanumbalik ng mga serbisyo at pasilidad upang matulungan ang mga komunidad na makabangon mula sa pinsala ng kalamidad.

Samantala, iniulat na mahigit 100 kongresista na ang nakibahagi sa relief operations para sa mga apektadong residente sa Southern Mindanao, habang patuloy ang koordinasyon ng Kamara sa mga lokal na opisyal upang matukoy ang agarang pangangailangan ng mga apektadong lugar.