Sinira ng buhawi ang isang residential house sa Marabulig Dos, Cauayan City, Isabela nitong Sabado, Hunyo 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elmer Cañaveral, may-ari ng bahay, sinabi nito na nasa bukid siya nang mangayri ang insidente. Nalaman na lamang niya ang nangyari nang may tumawag sa may-ari ng lupang kaniyang pinagtataniman para ipaalam ang nangyari sa kaniyang bahay.
Aniya, dali-dali siyang umuwi at nadatnan na nailipad na ang bubong ng kanilang bahay na noo’y nasa kalsada na.
Ang anak nito na naiwan sa bahay ay kasalukuyang nagluluto nang manalasa ang buhawi. Laking gulat umano nito nang bigla na lamang natangay ng malakas na hangin ang kanilag bubong.
Batay sa salaysay ng anak nito, nasa dalawang buhawi umano ang nanalasa sa kanilang lugar dahilan upang nasa tatlong bahay ang naapektuhan.
Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente.
Nanawagan naman ng tulong si Cañaveral sa pamahalaan at sa lahat ng mga nagnanais magpaabot ng tulong para sa pagsasaayos ng napinsala nilang bahay.











