--Ads--

Inihayag ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na maraming seryosong pagkukulang ang kanilang natuklasan sa pamunuan ng isang restobar sa Barangay San Fermin, kung saan nasawi ang isang lalaking kustomer matapos bugbugin sa bisinidad nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Miko Delmendo, binigyang-diin niya na kitang-kita sa kuha ng CCTV ang kawalan ng aksyon at pambabalewala ng mga empleyado habang binubugbog ang biktima.

Ayon pa sa opisyal, napakadali sana para sa pamunuan na dalhin sa pinakamalapit na pribadong ospital ang biktima upang maisalba ang buhay nito, lalo na at madaling-araw nang mangyari ang insidente at maluwag ang trapiko.

Mariing binatikos ng lokal na opisyal ang management ng bar dahil maiiwasan sana ang trahedya kung naging responsable lamang ang establisimento at nagmalasakit sa kaligtasan ng kanilang kustomer.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nananatiling sarado at suspendido ang operasyon ng naturang bar matapos itong hindi pahintulutan ng lokal na pamahalaan na muling magbukas habang gumugulong ang imbestigasyon.

Iginiit din ni Delmendo na dapat magsilbing babala ito sa lahat ng negosyante na mahigpit na sumunod sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod, partikular na ang pagbabawal sa mga menor de edad.

Inatasan niya ang mga establisimento na magpatupad ng mahigpit na “No ID, No Entry Policy” upang matiyak na ang lahat ng pumapasok na kustomer ay nasa legal na edad.

Inaasahang ipatatawag ng Sangguniang Panlungsod ang may-ari ng bar sa susunod na pagdinig upang harapin ang posibleng permanenteng kanselasayon ng kanilang Business Permit at pagpapatupad ng mas mahigpit na security protocols.