--Ads--

Naniniwala ang isang law professor na naayos na o “na-cure” na ng Senado ang mga isyung ibinabato sa naging halalan ng Senate leadership matapos makuha ang kinakailangang majority vote ng mga miyembro sa isinagawang special session.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi nito na sa usapin ng constitutional requirement, nasunod na ang kinakailangang majority vote kaya maaari nang ituring na lehitimo ang naging paghalal sa Senate leadership.

Gayunman, nilinaw nito na may mga argumento pa ring maaaring ihain kaugnay sa parliamentary rules, partikular kung ang naging aksyon ay kabilang sa mga usaping nakasaad sa opisyal na agenda ng special session.

Ayon kay Atty. Arreola, bagama’t maaaring ituring na moot and academic na ang ilang bahagi ng petisyong inihain sa Korte Suprema laban sa naging halalan noong Hunyo 3, nananatili pa rin aniya ang iba pang mahahalagang isyung legal at konstitusyonal na kinakailangang linawin ng mataas na hukuman.

--Ads--

Kabilang dito ang mga usapin kaugnay ng quorum, interpretasyon ng two-thirds vote requirement, at kung paano dapat bilangin ang mga senador na suspendido, nakakulong o hindi nakaboboto sa mga mahahalagang usapin ng Senado.

Dagdag pa nito, mahalagang magkaroon ng malinaw na desisyon ang Korte Suprema dahil ang mga naturang usapin ay may malaking epekto sa interpretasyon ng Konstitusyon at maaaring magsilbing gabay sa mga katulad na sitwasyon sa hinaharap.

Sinabi rin ni Atty. Arreola na isa pang dapat linawin ay kung maaari bang hindi ang Senate President ang mamuno sa mga pagdinig ng Senado sa ilang pagkakataon, maliban sa impeachment proceedings kung saan ang Chief Justice ng Korte Suprema ang nagsisilbing presiding officer.

Binigyang-diin ng law professor na tanging Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magsilbing pinal na tagapagpaliwanag ng Konstitusyon, kaya mahalagang mabigyan ng malinaw na resolusyon ang mga naturang legal na usapin.