Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na hindi maaaring gampanan ni Senador Jinggoy Estrada ang tungkulin bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang umiiral ang kanyang suspensyon.
Matatandaang ipinataw ng Sandiganbayan ang 90-araw na preventive suspension kay Estrada kaugnay ng kasong graft na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Bagama’t kinukuwestiyon ni Estrada ang suspensyon at iginiit na hindi pa niya lubos na nagagamit ang kanyang karapatang hamunin ang naging proseso ng imbestigasyon, sinabi ni Gatchalian na saklaw ng suspensyon ang lahat ng responsibilidad ng isang senador, kabilang ang pagiging senator-judge sa impeachment proceedings.
Ayon pa sa kanya, pagbabatayan ng Senado ang mga umiiral na legal na precedent sa paghawak ng ganitong sitwasyon at patuloy itong pag-uusapan kasama ang kanilang legal team.
Muling binigyang-diin ni Gatchalian na kinakailangan ang 16 na boto upang mahatulan si Duterte sa impeachment trial, ngunit hindi niya nais pangunahan ang magiging hakbang ng prosecution panel.
Samantala, pormal nang nagsimula ngayong Huwebes, Hunyo 18, ang pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, kung saan nagharap ang kanyang defense team at House prosecution panel upang ihanda ang mga isyu at ebidensya bago ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6.











