Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Prenza Highway sa Lungsod ng Cauayan ang pagbagsak ng isang poste ng internet matapos itong masabitan ng isang dumaraang dump truck bandang alas-11:30 ng tanghali, ngayong araw ng Biyernes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Rosalie Casaway, isa sa mga nakasaksi sa insidente, dumaraan ang dump truck nang sumabit ang likurang bahagi nito sa mga nakalaylay na kawad sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakasabit, nahila ang mga kawad na naging dahilan upang bumagsak ang poste ng internet at pansamantalang humarang sa bahagi ng kalsada.
Agad namang naapektuhan ang daloy ng trapiko sa lugar kung saan nagkaroon ng mabagal na usad ng mga sasakyan habang isinasagawa ang clearing operations at pag-aayos ng mga napinsalang linya.
Wala namang naiulat na nasaktan sa naturang insidente, subalit nagdulot ito ng abala sa mga motorista at residente na dumaraan sa naturang highway.
Agad ding rumesponde ang mga kinauukulang awtoridad at personnel ng internet service provider upang tiyaking ligtas ang lugar at maibalik sa normal ang daloy ng trapiko at serbisyo sa lalong madaling panahon.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang mga driver ng malalaking sasakyan na tiyaking maayos ang pagkakakarga at taas ng kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa kalsada.











