--Ads--

Nabiktima ng pagnanakaw ang mga manggagawa sa dalawang barracks sa Brgy. Ambalatungan, Santiago City matapos tangayin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang isang cellphone, gasolina ng ilang mga sasakyan at manira ng mahalagang dokumento ngayong madaling araw ng Sabado, Hunyo 20.

Batay sa salaysay ni Ginong Arnel Lucas, isang laborer, residente ng Cordon Isabela, pasado alas-dos ng madaling araw ay lumabas siya ng barracks bago muling bumalik at nagpahinga sa kanyang duyan.

Nakita pa umano niya ang kanyang cellphone bandang 2:18 ng madaling araw bago siya muling nakatulog.

Nang magising siya bandang alas-tres na ng madaling araw, napansin niyang nawawala na ang kanyang cellphone.

--Ads--

Hinanap niya ito sa paligid at nagtanong sa kanyang mga kasamahan ngunit wala umanong nakakita sa nasabing gadget.  

Sa kanyang pag uusisa, nalaman ni Ginong Lucas na may iba pang residente ng kalapit na barracks na nakaranas din ng pagnanakaw.

Natuklasan na nila na sinira ng mga suspek ang ilang lock ng motorsiklo, pinunit ang mga ORCR ng motor at kumuha ng gasolina mula sa ilang sasakyan.

Agad naman nilang iniulat sa pulisya ang insidente at sinuri ang mga CCTV camera sa paligid. Sa ilang kuha ng camera, may namataan na mga taong dumaan sa bahagi ng talahiban malapit sa lugar.

Sa iba pang anggulo ng CCTV, may dalawang aninong nakita na posibleng may kaugnayan sa insidente.

Ayon pa kay Ginong Lucas, malaking kawalan sa kanya ang nawawalang cellphone dahil bukod sa halagang higit kumulang 9,000 pesos ay patuloy niya pa rin itong hinuhulugan at naroon din ang kanyang account na ginagamit sa kanyang internet retail business.

Nakaimbak din umano rito ang mga mahalagang detalye para sa kanyang aplikasyon sa trabaho sa ibang bansa.