--Ads--

Apektado na ng nagaganapp na ‘senateflix’ o drama sa Senado ang ekonomiya ng bansa, ayon sa isang Constitutional Law Expert.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Senior Research Fellow in Policy Studies, sinabi niya na maraming mga batas, polisiya at programa ang naantala dahil sa bangayan ng ilang mga senador.

Halimbawa na lamang aniya rito ay ang nakatakda sanang pulong ng mga magsasaka sa Senado noong Ika-11 ng Mayo na hindi natuloy dahil sa nangyaring tensyon at kudeta sa Mataas na Kapulungan.

Aniya, apat na milyong piso ang nagagastos kada buwan para sa pasahod ng mga Senador subalit tila nasasayang lamang dahil sa bardagulan at hindi pagkakasundo ng mga ito.

--Ads--

Hindi na rin aniya katanggap-tanggap ang asal ng ilang mga senador na tila nakalimutan na ang good manners and right conduct (GMRC) na itinuro sa Paaralan.

Samantala, isa rin sa mga isyu ngayon sa Senado ay ang posibleng pagtalaga kay Senator Francis Escudero bilang presiding officer sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa halip na ang kasalukuyang Senate President dahil umano sa pagiging Abogado nito.

Ayon kay Atty. Yusingco, walang nakalagay sa saligang batas na dapat abogado ang mag-preside ng impeachment trial depende sa naisin ng mga Senador basta’t mayroong sapat na kakayahan.

Mainit din na usapin ngayon ang voting threshold para sa conviction ng impeachment kung saan batay sa interprestasyon ng ilan, kailangang sundin pa rin ang 2/3 ng kabuuang Senador Kahit pa hindi makadalo ang dalawa sa mga ito. Subalit batay naman sa panig ng prosecution, dapat ay 2/3 na lamang ng present Senators ang sundin para sa botohan.  

Dahil sa nagbabangaan na interpretasyon na ito, nakadepende sa aniya Mataas na Kapulungan kung aamyendahan nila ang rules of impeachment para sa voting threshold for conviction para maiakyat sa Korte Suprema na siyang magdedetermina kung ito ba ay naayon sa konstitusyon.